
Totoo nga ba na tumanggi si Gretchen Barretto na magpasampal kay Angel Aquino sa isang eksena nila sa Magkaribal? Sabi-sabi na dapat ay bonggang-bonggang sasampalin ni Angel si Gretchen sa isang eksena ng kumprontasyon nila, pero tumanggi raw si Gretchen?
“Hindi! Ako talaga ang nagsabi sa kanya na kung kaya niyang salagin ang sampal ko, gawin niya. Ang gagawin ko, bubuwelo na lang ako, para at least, hindi naman isipin ng mga tao na in-anticipate niya talaga ang sampal ko.
“Kumbaga, kung makikita niya na bubuwelo ako, sasampalin ko siya. Kasi, mabigat talaga ang kamay ko. Mabigat talaga. Baka masira ang kanyang jaw,” bungad na kuwento ni Angel.
Pero, bakit kailangang harangin ang sampal? Bakit hindi sila tumulad sa mga eksena noon nina Lorna Tolentino at Chin-Chin Gutierrez na tunay ang sampalan?
“Actually, she was ready for the slap. Sabi niya, I want it to be real. Pero sabi ko sa kanya, nakikita mo ba ‘yan (kamay ni Angel), ‘yan ang lalapat sa iyo. Masakit `yan.
“Ako kasi, I can’t fake a slap, eh. Hindi ko kaya na dito lang (maliit na bahagi ng mukha) ang sampal.
Usually, bumabagsak talaga `yung buong palad ko sa mukha.
“So, pinag-usapan namin. Pinlano talaga namin. Kasi, kawawa talaga siya. Baka bumagsak siya,” patuloy na pahayag pa ni Angel.
Anyway, between Angel and Gretchen, puring-puri nga ng mga manunulat ang klase ng acting na ipinapakita ni Angel sa Magkaribal. Sobrang effortless nga raw, na natural na natural.
Pero, pagdating sa pananamit, may mga nagsasabi na talung-talo nga raw ni Gretchen si Angel.
“Alam ko na, na she is the more fashionable one. And hands up na talaga ako riyan. And I don’t even want to try to compete with the way she dresses up, with the way she stands herself, kasi she has the means, she has the goods, she has personal stuff na puwede niyang magamit.
“Eh ako, wala naman akong gamit. So, kung ano lang ang pinasusuot nila sa akin, sinusuot ko. Basta sa akin, as long as tama ang pagpu-portray ko bilang Vera, happy na ako,” lahad ni Angel.
Hindi ba mahirap kaeksena si Gretchen?
“Hindi! She’s very particular lang sa halimbawa, walang masyadong destruction. Mahirap din kasi kapag maraming lumalakad, maraming nag-iingay, at nagku-concentrate ka sa mga lines mo.
“She’s very professional. She comes on time. And she’s a giver also, as an actress…” papuri ni Angel kay Greta.
Pangi-intriga ng isang manunulat kay Angel, hindi raw kataka-taka na kinamumuhian siya ni Gretchen ngayon.
“No! She likes me,” iglap na sagot ni Angel.
“She gives me clothes. Alam niyo ba, she came to taping one day, basta sabi lang niya, dumating ako, medyo late, kasi lumipat ako ng location. Sabi niya sa staff niya, dalhin niyo nga dito `yung bag ng damit.
“Akala ko naman, bibigyan niya ako ng isang damit. Nagulat ako dahil binigyan niya ako ng isang plastic bag ng mga damit. Siguro, mga 15 pieces na klase ng dress `yon. Ginagamit ko `yon sa Us Girls.
“You know, the effort, the kindness (ni Gretchen). Isa `yon sa mga what we love about her. ‘Yun pa, when she’s present sa taping, may baon talaga siya na ang dami-dami para sa mga tao,” kuwento pa rin ni Angel.
Sundot na biro ng mga manunulat kay Angel, baka paraan lang ni Gretchen `yon (na binigyan siya ng maraming damit) para iparamdam sa kanya na huwag niyang masyadong galingan sa mga eksena nila?
“Eh, ‘di hindi rin siya mai-inspire o matsa-challenge…” sagot ni Angel, na biglang natawa nang ma-realize niya na hindi niya dapat patulan ang mga pambubuyo ng mga manunulat sa paligid niya.
Siyanga pala, ilan sa mga nominado sa Us Girls August Awards ay ang mga TV star na sina Andi Eigenmann, Empress Schuck, Erich Gonzalez, Jessy Mendiola, Kristine Hermosa, Marian Rivera, Cristine Reyes, Rhian Ramos, Carla Abellana, Isabel Oli, Megan Young, Heart Evangelista, at Kim Chiu.
Abangan din ang premiere telecast ng “Us Girls August Awards 2010” sa Agosto 29, 6:30 p.m. sa Studio 23 at malaman kung sino sa kanila ang pasok sa fashion royalty.