
Isa ang AmBisyon2010, ang proyektong nagbuklod sa 20 pinakamahusay na indie directors sa bansa, sa mga natatanging obra na ipalalabas sa Cinemalaya 2010 bilang parte ng ANI: Harvest of the Year’s Best section.
Muling mapapanood ang mga maiikling pelikula tungkol sa sampung pinakamalaking isyu sa bansa na dinirehe ng mga tulad nina Brillante Mendoza, Erik Matti, Jeffrey Jeturian, at Raymond Red ngayong Sabado (July 17), 9pm sa Tanghalang Aurelio Tolentino (Little Theater) sa Cultural Center of the Philippines.
Inilunsad ng ANC, the ABS-CBN News Channel ang AmBisyon2010 upang tulungan ang mga Pilipino sa kanilang pagpili sa eleksyon sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga isyu ng bayan tulad ng korupsyon, edukasyon, seguridad, at ekonomiya mula sa mata ng iba’t ibang direktor. Konsepto ito nina Paolo Villaluna at Emman Dela Cruz na nagdirehe rin sa proyekto.
Nasangkot sa kontrobersya ang proyekto nang bigyan ng X rating ng MTRCB ang dalawa sa pelikula nito – ang “Ayos Ka” ni Mendoza at “Ganito Tayo Ngayon, Paano Na Tayo Bukas” ni Jeturian. Pagkatapos umapila ay naipalabas rin ng buo ang AmBisyon2010 sa CCP, UP Film Institute at sa telebisyon sa ANC SkyCable channel 27.
Ang iba pang direktor sa proyekto ay sina Ditsi Carolino, Kiri Dalena, Henry Frejas, John Torres, Jade Castro, Jon Red, Jerrold Tarog, Ellen Ramos, Pam Miras, Aissa Penafiel, Gym Lumbera, Sunshine Matutina, McRobert Nacario, at Emerson Reyes.
Huwag palampasin ang amBisyon2010 sa Cinemalaya 2010 ngayong Sabado (July 17), 9pm sa Tanghalang Aurelio Tolentino (Little Theater) ng CCP.
No comments:
Post a Comment